Isang awit, isang laro, at isang pasilyong napuno ng kulay—ganito nagsimula ang Buwan ng Wika sa ating paaralan. Sa unang araw pa lamang ng Agosto, dama na ang sigla ng pagdiriwang sa iba’t ibang gawaing naglalayong itaguyod at pahalagahan ang wikang Filipino.
Gamit ang wikang Filipino, sinimulan ang araw sa pamamagitan ng panalangin gamit ang PA system, na sinundan ng mga awiting papuri sa Diyos. Kasunod nito, ipinakilala ang mga gawaing nakatakdang isagawa sa buong buwan, kabilang ang mga paligsahan at kompetisyon na sasalihan ng mga mag-aaral.
Noong Agosto 3, pormal na binuksan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Isa sa mga unang aktibidad para sa Junior High School ay ang larong “Hulaan ang Kanta Batay sa mga Liriko!” Nagpadala ang iba’t ibang seksyon mula sa Nazareth, Berea, Damascus, at Patmos ng kani-kanilang kinatawan upang makilahok sa paligsahan.
Sa laro, sinubok ang bilis at kaalaman ng mga kalahok sa pagkilala sa mga awitin. Kapag sinabi ng guro ang “GO!” matapos ang takdang oras para sa pagsagot, buong-siglang nagsitayuan ang mga kinatawan. Sa bawat tamang sagot, tila may sariling mini-concert sa loob ng silid-aralan—patunay na puwedeng maging masaya ang pagkatuto ng wika.
Bukod sa mga palaro, naging bahagi rin ng selebrasyon ang paggawa ng banderitas ng mga mag-aaral. Pinalamutian ang mga ito ng mga salitang may malalalim na kahulugan tulad ng silakbo, kasakiman, at tadhana. Gumamit din ng iba’t ibang kulay gaya ng rosas, lila, bughaw, at kahel upang maging mas makulay ang mga palamuti.
Makikita ang mga banderitas sa pasilyo sa ikalimang palapag. Sa pagdaan ng mga mag-aaral, tila sumasayaw ang mga ito at nagdadala ng masiglang tanawin sa paligid—parang isang bahagharing gawa sa mga salita ang bumabalot sa pasilyo.
Samantala, habang nagpapatuloy ang pagdiriwang, isa pang kompetisyon ang naganap noong Agosto 17, 2026—ang Quiz Bee. Sinubok dito ang kaalaman ng mga kalahok sa mga aralin mula sa iba’t ibang baitang. Kabilang sa mga paksang lumitaw ang Florante at Laura, mga tayutay, Noli Me Tangere, at iba pang mahahalagang aralin sa Filipino. Sa huli, ang Pangkat 3 na kinabibilangan nina Moira Ellyse Cordova ng Nazareth, Tyler Blake Mancilla ng Damascus, Jillian Nicole Chua ng Berea, at Makayla Allison Yap na mula sa Patmos ang nakasungkit ng unang puwesto.
Hindi pa rito nagtapos ang mga aktibidad, lalo na para sa Departamento ng Senior High School. Bilang bahagi ng pagdiriwang, inihanda ang “Hulawit,” isang larong pinagsama ang kaalaman sa musika at bilis ng pag-iisip. Hinulaan ng mga kalahok ang isang awit, at ang mga nakapagbigay ng tamang pamagat ay nagkaroon ng pagkakataong awitin ito sa videoke.
Sa Hulawit, hindi lamang mabilis na pag-iisip ang kinailangan—kundi dapat ding maging handa ang boses! Nagsimula ang isang kalahok bilang tagahula ng kanta ngunit nauwi bilang biglaang videoke star. Sa ganitong paraan, naging mas masaya at interaktibo ang pagdiriwang habang patuloy na ginamit ng mga mag-aaral ang wikang Filipino. Mula sa Zion B ang nagwagi sa Hulawit na kinabibilangan nina Drew Chua, Caleb Gubat, Alessi Chua, Sydney Pesengco, at Mariel Sih.
Bilang pangwakas na programa ng Senior High School Department, isinagawa naman ang FiliDunong, isang Filipino Quiz Bee na nilahukan ng mga mag-aaral mula Grade 11 at Grade 12. Layunin nitong masukat at maipakita ang kaalaman ng mga mag-aaral sa wikang Filipino sa pamamagitan ng isang kompetisyong parehong mapaghamon at masaya. Nasungkit ng Pangkat 9 ang unang puwesto na kinabibilangan nina Davin Sean Romualdez, Hope Keila Ng, at Adrianna Kate Haw ng Olive, at nina Inigo Andre Melendres, Carlisle Alfred Yu, at Kaden Bryce Lim mula sa Zion.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, pormal ding kinilala at ginawaran ng parangal ang mga nagwagi sa iba’t ibang paligsahan. Higit pa sa mga premyo at pagkilala, ipinakita ng mga gawaing ito ang kahalagahan ng pakikilahok, pagtutulungan, pagkamalikhain, at pagpapahalaga sa wikang Filipino.
Sa kabuuan, naging makulay at makabuluhan ang pagsisimula ng Buwan ng Wika sa ating paaralan. Mula sa mga panalangin at awiting Filipino hanggang sa mga palaro, banderitas, at patimpalak, ipinakita ng mga mag-aaral na ang wika ay hindi lamang isang araling binasa sa aklat. Ito ay maaari ring inawit, nilaro, nilikha, at ginamit sa sama-samang pagdiriwang.
Dahil naging ganito kasigla ang simula, hindi na kinailangang hulaan kung magiging makulay ang mga sumunod na araw. Sa bawat salita, awit, laro, at paligsahan, patuloy na ipinagdiwang ng buong pamayanan ng paaralan ang wikang Filipino—hindi lamang bilang asignatura, kundi bilang mahalagang bahagi ng ating pagkakakilanlan at kultura.