Big 4, Apat na Katauhan: Sino Ka sa Kanila?
Ang buhay-kolehiyo ay may sari-sariling kuwento para sa bawat estudyante. Sa apat na unibersidad na madalas ituring na Big 4 ng Pilipinas—University of Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), at University of Santo Tomas (UST)—makikita ang iba’t ibang personalidad, interes, at paraan ng pagharap sa mga hamon at karanasan sa kolehiyo.
May estudyanteng kayang pagsabay-sabayin ang tatlong organisasyon, may laging mayroong bagong business idea, at mayroong parang human waze na kabisado ang ruta kung saan makakahanap ng murang pagkaing malapit sa campus. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, bawat isa ay may sariling paraan ng pagbuo ng karanasan at pagkilala sa sarili sa buhay-kolehiyo.
Hindi naman nangangahulugang ganito ang lahat ng estudyante sa isang unibersidad. Pero sa bawat campus, may mga personalidad na tila may sariling trademark—iyong tipong isang kilos o gawi lang, alam mo nang “Ah, ganito pala sila!” Biro man o stereotype, nakatutuwang tingnan kung paano nabuo ang mga ganitong obserbasyon at kung gaano kalapit ang mga ito sa realidad.
Kaya tara, kilalanin natin ang apat na “uri” ng estudyanteng maaaring makasalubong mo sa Big 4. Baka sa apat na ito, may isa kang makitang pamilyar—o baka naman ikaw mismo iyon!
Una, UP: Ang “Google Tab” Warrior
Sa stereotype na ito, ang estudyante ng UP ay tila may sariling koleksiyon ng mga tab sa browser—dose-dosenang bukas at bawat isa ay may silbi. Mula sa mga pananaliksik at takdang-aralin hanggang sa kung anu-anong sangguniang kailangan para sa isang research, sabay-sabay na nakabukas ang lahat. Sa dami ng tab, pati computer ay tila napapaisip na rin: “Kaya ko pa ba ’to?”
At siyempre, may kape sa tabi. Dahil para sa estudyanteng ito, parang mas madaling harapin ang tambak na gawain kapag may kasamang isang tasa ng kape—o dalawa, depende sa dami ng kailangang tapusin.
Ngunit huwag magpalinlang sa dami ng tab. Sa likod ng magulong browser ay isang estudyanteng seryoso sa kaniyang gawain—mausisa, masipag magbasa, at handang maglaan ng oras upang tiyaking tama ang kaniyang mga inilalahad. Kaya kahit tila isang deadline na lang ang pagitan niya sa pagsuko, may paraan pa rin siya: buksan ang isa pang sanggunian.
At kung hindi pa sapat iyon, huwag mag-alala. May tatlo pa siyang tabs na nakahanda para ipagtanggol ang kaniyang punto.
Pangalawa, ADMU: “Ang President, Vice President, at Secretary”
Laging mukhang plantsado ang buhay ng estudyante—literal man o hindi. Kahit puyat at sunod-sunod ang gawain, maayos pa rin ang pananamit, may dalang digital planner, at tila kontrolado pa rin ang bawat oras ng kaniyang araw. Kung may award sa “Mukhang Organisado Kahit Hindi,” malamang nasa shortlist siya.
Sasabihin niyang, “Ang dami ko nang ginagawa,” pero siya rin ang unang magtataas ng kamay kapag may bagong gawain, komite, o organisasyong nangangailangan ng miyembro. Parang may lihim na talent sa pagsasabi ng “Sige, ako na” kahit punô na ang kaniyang iskedyul.
At siyempre, hindi kumpleto ang araw kung walang paborito niyang kape na may napakaespesipikong order. Dahil kahit gaano kasiksik ang schedule, may isang bagay na kailangang manatiling eksakto: ang timpla ng kape.
Sa madaling salita, siya ang estudyanteng kayang magbalanse ng klase, organisasyon, gawain, at planner—kahit minsan, ang tanging hindi na niya kayang i-balance ay ang dami ng responsibilidad na siya rin naman ang kusang tumanggap.
Pangatlo, DLSU: “May Kilala Ako!”
Kailangan ng supplier? May kakilala. Photographer? May kakilala. Designer? May kakilala rin. Para sa Lasallian na ito, may isang sagot sa halos lahat ng problema: “May kilala ako.”
Hindi lang siya madiskarte—networking is the game. Isang ideya lang, puwede nang maging raket; isang raket, puwedeng maging negosyo. Habang ang iba ay naghahanap ng solusyon, siya naman ay naghahanap ng tamang tao para maisakatuparan ito.
At kapag may bagong proyekto, huwag nang mag-alala kung saan magsisimula. May supplier? May kakilala. May kailangan na photographer? May kakilala. May gustong tumulong? May kakilala rin.
Kung hindi niya alam ang sagot, ayos lang. Baka alam ng kakilala niya. At kung hindi rin—may kakilala ang kakilala niya.
Pang-apat, UST: “Ang May Spirit, Kahit Wala Nang Energy”
Sa UST naman, may isang bagay na mahirap na hindi mapansin: ang Thomasian spirit. Kahit saan mapunta, bitbit ng isang Thomasian ang pagmamalaki sa kaniyang unibersidad—mula sa pagsusuot ng dilaw hanggang sa pagsigaw ng “Go USTe!” kapag may pagkakataon.
Kahit pagod na sa sunod-sunod na gawain at pagsusulit, may natitira pa ring enerhiya para sa sariling paaralan. At kapag may laban ang UST, parang may biglang nag-recharge. Nawawala ang antok, lumalakas ang boses, at handang-handa nang sumigaw—parang tigre na buong semestre nang naghihintay ng pagkakataong umatungal.
Dahil sa Thomasian, maaaring maubos ang oras, puyat, at energy, pero ang school spirit? Hindi nauubusan ng baterya.
Maaaring magkakaiba ang “uri” ng estudyante sa bawat unibersidad, ngunit sa likod ng mga stereotype na ito, bawat isa ay may sariling kuwento, pangarap, at paraan ng pagharap sa buhay-kolehiyo. May Google Tab warrior, Atenean na laging may bagong responsibilidad, Lasallian na laging may kakilala, at Thomasian na hindi nauubusan ng school spirit. Iba-iba man ang estilo, lahat ay may kani-kaniyang dahilan kung bakit patuloy na nagsisikap.
Hindi maikakaila na maraming hamon ang naghihintay sa kolehiyo. May deadlines na hahabol, requirements na tila walang katapusan, at mga gabing mapapatanong ka ng, “Kaya ko pa ba?” Pero sa bawat hamon ay may bagong natututuhan, sa bawat pagkakamali ay may paglago, at sa bawat maliit na tagumpay ay may saya at fulfillment.
Kaya para sa mga high school student na nangangarap ng kolehiyo: huwag matakot sa hirap—baka kasama pala sa hirap ang mga kuwentong pinakamasarap balikan. Dahil ang kolehiyo ay hindi lamang tungkol sa grado, diploma, o pangalan ng unibersidad. Ito rin ay tungkol sa mga karanasang humuhubog sa iyo, mga taong makakasama mo sa paglalakbay, at mga pangarap na unti-unting nagiging realidad.
Sa huli, maaaring iba-iba ang “Big 4” experience, pero ang tunay na panalo ay ang makapagtapos na mas matatag, mas handa, at masasabi mong: “Ang hirap pala—pero kinaya ko!”