Lokal-washing: Nabibigyang-katwiran ba ng Lokalidad ang Mataas na Presyo?
Napansin mo ba kung paano dumarami ang mga tatak na nag-aangking “lokal” nitong mga nakaraang taon? Kasabay ng patuloy na paghikayat na “suportahan ang lokal,” maraming tatak ang gumagamit ng kulturang Pilipino bilang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan at estratehiya sa pagmemerkado. Bagama’t positibong hakbang ang pagtangkilik sa mga lokal na produkto, mahalagang tanungin: Talaga bang lokal ang mga tatak na ito, o ginagamit lamang nila ang konsepto ng pagiging lokal upang makahikayat ng mga mamimili at maipaliwanag ang kanilang mataas na presyo?
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang pag-usbong ng mga tatak na gumagamit ng mga elementong Pilipino sa kanilang produkto, packaging, advertising, at branding. May mga mamimiling natutuwa dahil nakikita nila ang sariling kultura sa mga produktong ibinebenta, ngunit mayroon ding nagtatanong kung tunay bang nakikinabang ang mga lokal na komunidad sa ganitong uri ng pagmemerkado. Para sa ilan, nagiging dahilan lamang ang paggamit ng kulturang Pilipino upang gawing tila eksklusibo at mamahalin ang mga produktong dating itinuturing na pang-araw-araw.
Ano nga ba ang Lokal-Washing?
Ang lokal-washing ay maaaring ilarawan bilang estratehiya ng pagmemerkado kung saan ipinakikita ng isang tatak na malaki ang ugnayan nito sa mga lokal na komunidad o kultura upang makuha ang tiwala at suporta ng mga mamimili, kahit limitado lamang ang aktuwal na ambag nito sa mga komunidad na kinakatawan nito. Maaaring makita ito sa paggamit ng mga salitang “lokal,” “gawang Pilipino,” o iba pang pahayag na nagbibigay-diin sa pagiging makabayan ng produkto.
Mahalagang ihiwalay ito sa cultural marketing. Sa cultural marketing, ginagamit ng mga tatak ang mga elemento ng isang kultura upang makabuo ng mas malalim at pangmatagalang ugnayan sa kanilang mga mamimili. Higit na binibigyang-halaga rito ang kasaysayan, tradisyon, identidad, at komunidad. Samantala, ang lokal-washing ay maaaring maging mababaw at nakatuon lamang sa imahe ng produkto at panandaliang pagtaas ng benta.
Kultura Bilang Bahagi ng Marketing
May mga tatak namang matagumpay na naisasagawa ang cultural marketing nang may pagkilala at paggalang sa kulturang kanilang ginagamit. Halimbawa nito ang Chagee, na nakilala sa paggamit ng tsaa at kulturang may kaugnayan dito bilang bahagi ng kanilang brand identity. Bagama’t umaangkop ang tatak sa iba’t ibang bansa, nananatiling malinaw ang kanilang pagkakakilanlan at konsepto.
Gayunman, may mga pagkakataong nagiging kontrobersiyal ang paggamit ng kulturang Pilipino sa pagpepresyo at pagmemerkado. Isang halimbawa ang tatak na Bahay Kubo, na noong Hunyo 2024 ay naglabas ng produktong tinawag na “Bahay Scrunchie,” isang silk scrunchie na nagkakahalaga ng mahigit ₱2,000. Dahil dito, umusbong ang diskusyon sa mga mamimili tungkol sa kung makatwiran ba ang presyo at kung ang paggamit ng kulturang Pilipino ay tunay na pagpapahalaga sa kultura o bahagi lamang ng estratehiya sa marketing.
Lokal Ba o Marketing Strategy Lamang?
Hindi naman masama ang paggamit ng kultura sa pagmemerkado. Sa katunayan, maaari itong maging paraan upang maipakilala at mapahalagahan ang kulturang Pilipino. Gayunpaman, mahalagang suriin kung ang kultura ay ginagamit nang may tunay na paggalang at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad o ginagamit lamang bilang disenyo at konsepto upang maging mas kaakit-akit ang produkto.
Bilang mga mamimili, hindi sapat na tingnan lamang ang magandang packaging, kuwento, o imahe ng isang produkto. Mahalagang itanong: Sino ang tunay na nakikinabang? May ambag ba ang tatak sa mga lokal na manggagawa at komunidad? At sapat ba ang pagiging “lokal” upang bigyang-katwiran ang mataas na presyo?
Sa patuloy na pagdami ng mga tatak na gumagamit ng kulturang Pilipino bilang bahagi ng kanilang marketing, mas mahalaga ngayon ang pagiging mapanuri ng mga mamimili. Ang pagsuporta sa lokal ay hindi lamang dapat nakabatay sa kung gaano ka-Pilipino ang hitsura ng isang produkto, kundi sa kung gaano ito katapat sa kulturang kinakatawan nito at kung tunay na nakatutulong sa mga taong bahagi ng kulturang iyon.