Gabay sa Hinaharap o Pagnanakaw ng Kamusmusan: Programang Comprehensive Sexuality Education sa Pananaw ng isang Senior High School Student

Sa aking pananaw, kapag ang mga mata ng isang bata ay namulat sa mundo ng sex education hindi na nila muli pang mababalikan ang panahon ng kanilang kamusmusan. Bilang mamamayang Pilipino, maging ikaw man ay isang guro o magulang, handa ka bang isakripisyo ang kainosentehan ng nakababatang henerasyon kapalit ng pagkakaroon diumano ng malawak na kaalaman sa edukasyong sekswal?

Sa kasalukuyan, may nakabinbing panukalang batas sa Senado tungkol sa pagpapasa ng Comprehensive Sexuality Education na programa ng Departamento ng Edukasyon. Ang panukalang batas na ito ay nasa ilalim ng pangalang An Act Providing for a National Policy in Preventing Adolescent Pregnancies, Institutionalizing Social Protection for Adolescent Parents, and Providing Funds therefore.

Ayon sa UNESCO, ang Comprehensive Sexuality Education o CSE ay proseso ng pagtuturo at pagkatutong nakabatay sa kurikulum tungkol sa mga aspetong cognitive, emosyonal, pisikal, at panlipunan. Nilalayon nitong bigyan ng kaalaman, kasanayan, ugali, at pagpapahalaga ang mga kabataan at maging ng kapangyarihan upang: (1) matanto ang kanilang kalusugan, kagalingan, at dignidad; (2) maging maayos at magalang sa pakikitungo sa iba sa aspetong panlipunan at sekswal; (3) isaalang-alang kung paano nakakaapekto ang kanilang mga pagpipilian sa kanilang sariling kapakanan at kapakanan ng iba; (4) at maunawaan at matiyak ang pagprotekta sa kanilang mga karapatan sa buong buhay nila.

Layunin ng CSE na magbigay impormasyon sa kabataan tungkol sa mga araling may kinalaman sa reproductive at sexual health. Sa pamamagitan ng pagiging scientifically accurate, ang curriculum-based na patakarang ito ay may malawak na saklaw at nagtuturo ng iba’t ibang nilalaman at kasanayan tungkol sa sexuality education na batay sa edad at grado ng bata. Ang programang ito ay isinusulong ng mga internasyonal na organisasyon kabilang ang UNESCO, UNFPA, at UNICEF na nais rin ipatupad ng Pilipinas.

Kung titingnan ang pamagat ng panukalang ito, mukhang ito ay isang programa na makakapagbigay ng pag-asa sa mga adolescent parents, at kung ito nga ang layunin ng panukala, makatutulong ito. Ngunit kailangang maging malinaw at transparent ang paghahatag ng mga paraan kung paano ito isasagawa upang hindi makompromiso ang kamusmusan ng mga kabataan.

Layunin din ng CSE ang matulungan ang mga teenage parents at makapagpalaganap ng kamalayan sa kabataan tungkol sa kahihinatnan ng mga gawaing sekswal. Ngunit, bilang kapalit ng kapakinabangang ito, maaaring malagay sa alanganin ang kamusmusan ng mga bata. Ipinakikilala ng programang ito ang mga sensitibong paksa sa kabataang Pilipino, na maaaring hindi naaayon sa ating kultura at moral na pagpapahalagang itinataguyod natin bilang isang lipunan (Project Dalisay, 2025). Bagama't mahalaga ang edukasyon, ang responsibilidad ng pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga bagay na ito ay dapat manatili sa mga magulang. Sila dapat ang tumatalakay sa mga sensitibong usapin na angkop sa edad ng bata at naaayon sa pananampalataya, tradisyon, at mga pagpapahalaga ng pamilya (Rouhparvar et al., 2022). Sa bawat yugto sa buhay ng isang bata, may malaking papel ang mga magulang sa paghubog sa kanilang pagkatao. Kaya naman, ayon sa Executive Order No. 209 ng Pilipinas, ang mga menor de edad ay karaniwang itinuturing na walang kakayahang magbigay ng wastong pahintulot, lalo na sa mga sitwasyon na maaaring magkaroon ng makabuluhang legal o panlipunang kahihinatnan– kung kaya’t nagiging importante ang parental consent sa mga sitwasyon tulad ng pagtuturo tungkol sa CSE (Respicio, 2024).

Bilang isang bansang Kristiyano, mahalagang unahin natin ang pagprotekta sa kamusmusan ng bawat batang Pilipino at tiyakin na ang edukasyon ay nag-aaruga sa kanilang pag-unlad nang hindi nakokompromiso ang kanilang moral na paniniwala.

Hindi dapat nakokompromiso ang kamusmusan ng isang bata dahil kapag nawala ito, hindi na ito maibabalik pa. Mahalagang bigyang-diin ang pag-unlad ng kaalaman ng bawat estudyante, ngunit ang mga pagpapahalaga, moralidad, at kainosentahn ng isang bata ay hindi dapat makalimutan (Robinson et al., 2017). Maaaring maging epektibo ang programang ito sa pandaigdigang saklaw, gayunpaman, hindi ito naaayon sa mga moral at paniniwala ng Pilipinas bilang isang bansang Kristiyano. Kaya naman, dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya upang matiyak na ang susunod na henerasyon ay pinalaking may kamalayan sa kahihinatnan ng mga gawaing sekswal, ngunit nakaugat pa rin sa pananampalataya, mabuting moral, at paniniwala.

Sofia Caylen C. Cordova

3 favorite things: eating, sleeping, playing volleyball

Previous
Previous

Mahal Kita, Charot! — Color Palette ng Mahal Kita sa Wikang Pinoy!

Next
Next

Is Nuclear Power Actually Dangerous?