Tara? Takbo Tayo!: Ang Bagong “Cool” sa mga Kabataan

Bandang alas-kuwatro ng umaga, tahimik pa ang kalsada at malamig pa ang simoy ng hangin. Isa-isa nang bumabangon ang mga kabataan, nagbibihis, at itinatali ang sintas ng kanilang sapatos. Handa na silang tumakbo! Sa halip na magpuyat, dumarami ngayon ang mga kabataang mas pinipiling magising nang maaga at sumali sa mga run club—isang bagong uso na nagtataguyod ng kalusugan, komunidad, at kasiyahan.

Pag-usbong ng “Running Culture”

Matapos ang pandemya, mas pinahahalagahan na ng maraming Pilipino ang pangangalaga sa kalusugan. Isa sa mga naging resulta nito ay ang pagdami ng mga taong nagsimulang tumakbo. Sa paglipas ng panahon, ang simpleng pagtakbo ay naging isang paraan na rin ng bonding kasama ang mga kaibigan—para sa ilan, ito’y para sa kalusugan; para sa iba, ito’y libangan at kasiyahan. Bata man o matanda, pwedeng-pwede kang sumali!

Nagsimula akong tumakbo noong patapos na ang COVID-19 pandemic. Dati, sa treadmill lang ako dahil malubak ang mga daanan namin. Pero nagsimula akong mag-outdoor running nang yayain ako ng run group ko sa BGC pagkatapos ng oral defense—para raw mailabas namin lahat ng stress!” kwento ni Bryce Sigua, isang Grade 11 student.

Ang Run Club Culture

Ngayon, dumarami na talaga ang mga run clubs sa Pilipinas. May mga grupo para sa iba’t ibang edad, bilis (pace), at lokasyon. Sa madaling araw man o sa gabi, siguradong makakakita ka ng mga tumatakbo sa BGC, Makati, UP, Pasay, at marami pang iba. Mayroon ding mga run clubs na binubuo lang ng magkakaibigan na sabay-sabay tumatakbo tuwing weekend.

Ayon kay Jillian Hao, isang MGCNLCA alumnus, “Ang pinakamaaga kong gising para tumakbo ay 3 a.m. Pero sulit kasi alam kong may makakasama akong kaibigan, at pagkatapos naming tumakbo, sabay pa kaming kumakain!”

Iba-iba ang dahilan ng mga tao sa pagtakbo—para sa ilan, ito’y para sa kalusugan; para naman sa iba, ito’y paraan para makarelaks at mag-enjoy. Pero para kina Jillian at Bryce, pareho nilang sinasabi na nakakapagbigay ito ng positive vibes. “Mas magaan ang pakiramdam at mas malakas ang katawan pagkatapos tumakbo,” dagdag nila.

Ang Kasiyahan sa Paglahok

Isa pa sa mga dahilan kung bakit nauuso ang pagtakbo ay dahil mura lang ito—wala kang kailangang bayaran! Sabi nga ni Bryce, “Hindi mo kailangang magbayad para tumakbo sa labas.

Dahil sa pagdami ng mga tumatakbo, marami na ring fun runs at marathons na puwedeng salihan. Bawat buwan, may iba’t ibang events para sa lahat ng level—mula sa 1km hanggang 10km. Kahit baguhan ka pa lang, may race na babagay sa iyo!

Pagtakbo para sa Kalusugan at Kasiyahan

Maraming benepisyo ang pagtakbo—hindi lang ito pampalakas ng katawan, kundi nakakatulong din ito sa mental health. Bukod pa rito, magandang paraan ito para makasama ang mga kaibigan at maging bahagi ng isang bagong komunidad.

Para sa mga gustong magsimula, ito ang ilang payo mula sa mga experienced runners:

Bryce Sigua: “Ang mga nagsasabing mahirap tumakbo ay ‘yong hindi pa talaga nasusubukan. Kapag ginawa mo ito nang paulit-ulit, masasanay ka rin! Subukan mong tumingin sa paligid habang tumatakbo—hindi mo mapapansin, mabilis palang lumipas ang oras.”

Jillian Hao: “Pinipilit ko pa ring tumakbo kahit hindi ito ang paborito kong ehersisyo, dahil gusto kong manatiling malusog. Ang payo ko: tumakbo sa sarili mong bilis at huwag pilitin ang katawan. Dahan-dahan lang, basta tuloy-tuloy!”

Tara na!

Kung naghahanap ka ng senyales para magsimulang tumakbo—ito na ‘yon! Hindi pa huli para subukan ang bagong hilig na ito. Baka tulad ng marami, mahanap mo rin dito ang saya, kalusugan, at mga bagong kaibigan.

Kaya, tara? Takbo tayo! 

Sofia Caylen C. Cordova

3 favorite things: eating, sleeping, playing volleyball

Next
Next