Tahimik, Maingay, at Biglang Nawawala: Iba’t Ibang Uri ng Kaklase sa Recitation
“Sino ang may alam sa sagot?”
Ang sabi ng guro sa gitna ng klase. Tahimik ang lahat at walang umiimik.
Sa loob ng ilang segundo, tila huminto ang oras. Ang dating maingay na silid-aralan ay napalitan ng kaba at pag-aabang. Bawat estudyante ay may kanya-kanyang iniisip, at ang iba ay umaasa at nagdadasal na hindi sana matawag, habang ang ilan ay pilit binubuo ang sagot sa kanilang isipan.
Ganito nagsisimula ang bawat recitation: isang tanong, isang sandali ng katahimikan, at isang klase na sabay-sabay naghihintay kung sino ang unang magsasalita.
1. Ang Kilala Na Ni Ma’am
Ang kaklase na ito ay lagi na lang bumubuo ng kanyang sagot kahit wala pang tanong. Siya ang pinaka-handa sa lahat at ang unang magtataas ng kamay. Kilala na siya ng guro, at minsan, hindi na siya tinatawag dahil alam na niya ang sagot. Siya ang “bayani” sa silid-aralan dahil sa pagsagot niya ng tanong. Ang iba naman ay may oras pa para mag-isip ng kanilang sagot.
2. Ang Biglang Naiihi
Ito ang kaklase na biglang naiihi pagka may tanong. Sa oras na magtanong ang guro, tila sabay ding tumatawag ang kalikasan. Bigla siyang magtataas ng kamay, hindi para sumagot, kundi para magpaalam. At habang lumalabas siya ng silid-aralan, hindi maiwasang mapaisip ng klase kung talagang emergency nga ba, o isa lamang itong estratehiya para makaiwas sa pagsasagot.
3. Ang Nagpapakunwari
Siya ay ang tipong tumataas ng kamay para lang hindi siyang tawagin. Ang nagkukunwari lang na alam niya ang sagot kahit na hindi talaga siya nakikinig sa aralin. Matalino ang estudyante na ito, dahil kahit na wala siyang sagot, alam niya na kung tataas siya ng kamay, malaki ang pagkakataon na hindi siya tatawagin ng guro.
4. Ang Eksperto ng Pag-iwas
Ang estudyante na ito ay gagawa ng kahit ano para maiwasan ang pagtingin sa mata ng guro. Titingin siya sa lahat ng direksyon para lang hindi niya makita ang guro. Kapag naman tumingin ang guro, ay bigla siyang magsusulat ng notes.
Sa totoo lang, sa loob ng klase, lahat tayo ay may taglay na kakaibang pagkatao tuwing recitation. May araw na handa tayong sumagot, may araw na biglang kailangan nating mag-CR, at may araw din na nagkukunwari lang na nag susulat ng notes. Sa huli, darating ang oras na lahat tayo ay magiging bawat uri, at iyon ang dahilan kung bakit nakakatuwa, nakaka-stress, at minsan, nakakatawang balikan ang recitation.